MANILA, Philippines – Sinabi ng transport association na MANIBELA nitong Sabado, Setyembre 21 na bagama’t pabor sila sa public utility vehicle modernization, naniniwala silang ang consolidation ay dapat na boluntaryo.
“Sana maging optional ito [consolidation ng prangkisa]. ‘Yung modernization, wala namang problema sa amin. Ang mahirap lang, kahit ‘yung local manufacturers [ng modern jeepneys], wala pa ring inaaprubahan kahit sino sa kanila,” sinabi ni MANIBELA chairperson Mar Valbuena sa panayam ng DZBB.
Ang deadline para sa consolidation ng individual PUV franchises para lumahok sa mga kooperatiba o korporasyon ay itinakda noong Abril 30.
Matapos ang deadline, nasa 36,217 PUVs at 2,445 ruta ang nananatiling unconsolidated.
Kalaunan ay pinayagan ng pamahalaan na makabiyahe pa rin ang mga unconsolidated jeepney at UV Express sa mahigit 2,500 ruta dahil sa mababang bilang ng consolidations.
Bukas, Setyembre 23 at sa 24 ay magsasagawa ng tigil-pasada ang MANIBELA at PISTON para patuloy na ipanawagan ang pagtutol nila sa Public Transport Modernization Program (PTMP) ng pamahalaan.
Ayon sa PISTON, layon ng protest action na tugunan ang mga sumusunod na demand ng transport sector, kabilang ang pagbabasura ng PTMP, kanselasyon ng pwersahang franchise consolidation, renewal ng mga prangkisa at rehistro para sa lahat ng public utility vehicle (PUV) operators, kabilang ang mga hindi piniling mag-consolidate, zero budget para sa PUV phaseout programs, na ang pondo ay dalhin na lamang sa rehabilitasyon ng mga traditional jeepney, subsidiya para sa local industries, at payagan ang mga nakapasok na sa franchise consolidation na bawiin ang kanilang aplikasyon.
Ani Valbuena, nasa 20,000 indibidwal ang inaasahang lalahok sa transport strike. RNT/JGC