Home HOME BANNER STORY 3-day protest sa pagsusulong ng impeachment trial ni VP Sara ikinasa!

3-day protest sa pagsusulong ng impeachment trial ni VP Sara ikinasa!

Nagtipon sa labas ng Senado ang iba't ibang grupo upang ipanawagan sa mga senador na ituloy ang Impeachment Trial laban kay Vice President Sara Duterte. CESAR MORALES

MANILA, Philippines – Nakatakdang magsagawa ng tatlong araw na protest action ang Akbayan Party at iba pang civil society groups mula Hunyo 9 hanggang Hunyo 11 para himukin ang Senado na agaran nang simulan ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

“Pupunta tayo sa Senado para iparinig sa ating senators na ang mamamayan ay klaro ang mensahe na dapat sundin ng Senado ang konstitusyon,” ayon kay Rafaela David, Presidente ng Akbayan Party.

Inoobliga sa 1987 Constitution na “trial by the Senate shall forthwith proceed” sa oras na maipasa na ang articles of impeachment. Sa kabila nito, nangyari ang pagpasa ng articles of impeachment sa pagsisimula ng break ng Kongreso sa paparating na halalan.

Orihinal na itinakda ang pagbasa ng articles of impeachment sa Senado noong Hunyo 2 ngunit inilipat ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang petsa nito sa Hunyo 11, o huling sesyon ng 19th Congress.

“Klaro na ang bibliya ng ating bansa ay ‘yung ating Saligang Batas at dini-disrespect ito ng Senate by not doing their constitutional duty,” ani David.

“Klaro na dapat tuloy-tuloy siya kasi the call for justice should not end in Congress,” pagpapatuloy niya.

Noong nakaraang linggo ay kumalat ang balita na mayroon umanong ilang draft resolutions na humihimok na ibasura ang impeachment complaint laban kay Duterte.

Samantala, kabilang sa mga lalahok sa kilos-protesta ay ang ilang civil society groups at political formations kabilang ang Tindig Pilipinas, ML party-list, at mga trade union.

“Panahon na para makinig sila sa tinig ng mamamayan at magpakita ng lakas ng loob. Tama na ang palusot. Sundin ang konstitusyon,” saad sa pahayag ng Akbayan.

“Hindi dapat natin papayagan ‘yung mga lider na nakakatakas sa kanilang obligasyon.” RNT/JGC