MANILA, Philippines – Hinimok ng opisyal mula sa provincial disaster management ng Bulacan ang mga vlogger na iwasan ang pagpopost ng mga fake news tungkol sa pagbaha para lamang makakuha ng views.
Ayon kay Manuel Lukban Jr., pinuno ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, sa panayam ng DZMM na ang mga content na ito ay nagdudulot lamang ng pag-aalala at kalituhan.
“Kahapon po kasi naglabasan ng iba’t ibang mga vlogs. Ang totoo po nito, maraming vlogs na hindi totoo na nagbigay pangamba sa ating mga kababayan sa ating mga kalalawigan,” ani Lukban.
Aniya, ang malalakas na pag-ulan noong Sabado ay nagdulot ng pagtaas sa lebel ng tubig sa mga ilog sa Bulacan ngunit hindi kasing-lala ng iniulat ng mga vlogger.
“Halos dalawang oras lang naman po nag pag-ulan na yun kung saan yung bandang area ng Meycauayan, Marilao, lalo sa area ng San Jose del Monte. Nagkaroon ng malakas na pagbuhos ng ulan at ito nga ay nagpalakas din ng biglaang pagtaas ng ilog natin,” sinabi pa ni Lukban.
“Pero it doesn’t mean ito ay umapaw at maraming nabaha.”
“Nakakalungkot ang ating mga vloggers para lang makakuha sila ang issue. Kahapon, noong Sabado ay biglang may naglabasan na mayroong flash flood meron daw nagbaha at nagsilikas daw po.”
Nitong Linggo, Hunyo 8, ay nananatiling normal ang daloy ng tubig sa mga ilog sa Bulacan.
“Ang Bulacan naman sa ngayon ay maayos po, ang mga kailugan po ay mababa naman ang lebel ng tubig, ang ating mga dams po mababa din po at hindi naman nagpapakawala (ng tubig),” aniya.
Kumpleto rin umano sa kagamitan ang Bulacan PDRRMO para mamonitor ang pagbaha.
“Sa ating kalalawigan, nationwide tayo lang po ang may pinaka advance na geospatial monitorial system. Merong forecasting, actual live camera sa mga ating kailugan… kami ay laging nakamonitor para sa kaligtasan ng ating kalalawigan,” pagtatapos ni Lukban. RNT/JGC