PARAÑAQUE, Philippines – Naaresto ng Southern Police District (SPD) Drug Enforcement Unit (DEU) ang tatlong dayuhang high-value individuals (HVIs) dahil sa partisipasyon sa ilegal na droga sa Parañaque City.
Ang mga suspek ay kinilalang sina Hoon, 46, Koreano, Jaypo, 34, Koreano, at Raptor, 31, Indonesian.
Nahuli sila bandang 1:43 a.m. sa Room 3310 ng SBM Condotel, J. Gabriel Street, Barangay Baclaran sa isang buy-bust operation, katuwang ang Parañaque City Police Substation 1.
Narekober mula sa kanila ang 100 gramo ng shabu na tinatayang P680,000 at 20 ecstasy pills na tinatayang P34,000.
Ayon sa pulisya, si Hoon ay kakasuhan ng illegal sale of dangerous drugs, habang sina Jaypo at Raptor ay kakasuhan ng illegal possession of drugs sa ilalim ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Kasalukuyang nakadetention ang tatlo sa SPD-DEU custodial facility habang hinihintay ang pormal na pagsasampa ng kaso.
Sinabi ni SPD Director Brig. Gen. Randy Arceo “Ang operasyong ito at ang pagkakahuli sa tatlong foreign HVIs ay malaking dagok sa international drug-trafficking networks sa Metro Manila. Ipinapakita rin nito ang bantay na ipinapakita ng SPD para mapanatiling ligtas ang ating mga distrito. Ang Southern Police District ay hindi magpapahintulot na gamitin ang komunidad para sa illegal na droga, lokal man o dayuhan. Pinupuri namin ang DEU at Parañaque City Police sa kanilang matagumpay na operasyon.” RNT/MND