MANILA, Philippines – Patay ang tatlong indibidwal, kabilang ang dalawang senior citizen, habang walong katao pa ang sugatan sa sunog na sumiklab sa magkahiwalay na lugar Miyerkules ng hapon sa Taguig City.
Kinilala ng Taguig Bureau of Fire Protection (BFP) ang tatlong namatay na biktima na sina Romeo Sison, 67; Virginia Sison, 65; at Regimio Abadilla, 42, na pawang nagtamo ng matinding pinsala sa kanilang mga katawan.
Ang walong sugatan na dinala sa Taguig City General Hospital na naiulat na nagtamo ng mga first-degree burns sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang mga katawan ay nakilalang sina Angela Caruza, 24; Ashnara Nica Pasandulan, 6; Mary Ane Bohol, 33; Sofia Sison, 4; Jasmine Nicole Abadilla, 14; Imy Abadilla, 43; Prince Rabic Sillacan, 5; and Jovy Villa, 50.
Sa inisyal na report ng Taguig City Bureau of Fire Protection (BFP), unang sumiklab ang apoy dakong alas 4:30 ng hapon sa isang residential house sa M.L. Quezon Street, C6 Road, Barangay Bicutan, sa lungsod.
Makalipas ang dalawang oras ay idineklara ng BFP ang fire out bandang alas 6:39 ng gabi kung saan nasa 31 pamilya ang naging biktima ng sunog na katumbas ng 128 indibidwal.
Ayon pa sa mga arson investigators, aabot sa P1 milyon ang halaga ng pinsala na idinulot ng sunog habang patuloy pa rin ang imbestigasyon kung ano ang naging dahilan at pinagmulan nito.
Makaraan lamang ang tatlong oras, dakong alas 9:36 ng gabi ay isa pang sunog ang tumupok sa sampung kabahayan sa Barangay Bagumbayan, M.L. Quezon Street, na naideklara namang fire out ng 12:58 ng umaga ng Mayo 7.
Sa ikalawang sumiklab na sunog ay nagtala naman ito ng pinsala ng ari-arian sa halagang P2.5 milyon na ikinaapekto ng 11 pamilya o 37 indibidwal ang nawalan ng tirahan. (James I. Catapusan)