Home NATIONWIDE 3% housing loan rate sa gitna ng global crisis, pinanatili ng Pag-IBIG

3% housing loan rate sa gitna ng global crisis, pinanatili ng Pag-IBIG

157
0

MANILA, Philippines — Pinanatili ng Pag-IBIG Fund ang 3 porsiyentong taunang interest rate para sa socialized housing loans sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program, sa gitna ng kawalang katiyakan sa ekonomiya dulot ng tensyon sa Middle East.

Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling, alinsunod ito sa direktiba ni Ferdinand Marcos Jr. upang manatiling abot-kaya ang pabahay para sa mga Pilipino.

“In keeping with the directive of President Ferdinand R. Marcos Jr., Pag-IBIG Fund shall maintain the 3 percent interest rate for qualified socialized housing loans under the Expanded 4PH so that more Filipino workers can continue to pursue homeownership even during a time of global uncertainty,” ani Aliling.

Ang 3 porsiyentong subsidized rate ay ipatutupad sa unang limang taon ng loan para sa mga first-time homebuyers na kumikita ng mas mababa sa PHP47,856 kada buwan sa National Capital Region at PHP34,686 sa ibang rehiyon. Sakop din ng programa ang mga overseas Filipino workers anuman ang kanilang kita.

Sa ilalim ng “Early Bird Promo,” ang unang 30,000 kwalipikadong borrower ay maaaring makinabang sa 3 porsiyentong rate hanggang 10 taon.

Maaaring gamitin ang loan para sa pagbili ng house-and-lot na nagkakahalaga hanggang PHP950,000 o condominium units hanggang PHP1.8 milyon. Mayroon din itong 100 porsiyentong loan-to-value ratio kaya walang kinakailangang cash equity, at may dagdag na hanggang PHP100,000 para sa home improvements.

Tinatayang aabot sa PHP4,005 ang buwanang hulog para sa house-and-lot at PHP7,589 naman para sa condominium, na maaari pang bumaba hanggang 1 porsiyento sa tulong ng subsidiya ng gobyerno.

Ayon kay Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene Acosta, posible ang hakbang dahil sa matatag na kalagayang pinansyal ng ahensya.

“Our strong fiscal standing allows Pag-IBIG Fund to keep the subsidized 3 percent rate in place so more working Filipinos can continue pursuing homeownership under the Expanded 4PH,” ani Acosta.

Maglulunsad din ang Pag-IBIG ng mga regional housing fairs sa iba’t ibang bahagi ng bansa matapos ang matagumpay na pagsisimula nito sa Central Luzon.

Noong 2025, nakapaglabas ang ahensya ng PHP140.54 bilyon na housing loans na nakinabang ang 90,727 pamilyang Pilipino. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here