Home NATIONWIDE 3 human traffickers, timbog; menor nailigtas ng NBI

3 human traffickers, timbog; menor nailigtas ng NBI

175
0

MANILA, Philippines – NAILIGTAS mula sa pagiging human trafficking victim ang isang menor de edad at naaresto ang tatlong suspek sa operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) Ilocos Regional Office sa Brgy. San Francisco nitong Pebrero 10.

Nag-ugat ang aksyon ng NBI sa paghingi ng tulong ng City Social Welfare and Development Office (CSWD) ng San Fernando para sa kaso ng dalawang minor victims na ibinubugaw ng mga suspek at nakatakas mula sa umano’y bahay-aliwan sa lugar.

Sa beripikasyon ng NBI, napag-alamang isa pang disisais anyos ang sapilitang pinagtrabaho sa bar kaya nagkasa ng operasyon ang NBI operatives na nagresulta sa pagkakaaresto ng tatlong katao.

Napag-alaman na ang dalawang biktima, sina alyas Joy at alyas Ligaya, ay kapwa taga-Bukidnon umano na naengganyong lumuwas ng Maynila makaraang pangakuan ng trabaho, ngunit sa La Union dinala ng mga human traffickers at sapilitang pinagtrabaho bilang “bar girls” at ibinugaw sa halagang P1,500 kapalit ng sex.

Katwiran naman ng may-ari ng bar, may utang umano sa kanya ang tatlong biktima para sa pasahe sa eroplano at iba pang recruitment expenses.

Nakakuha ang mga operatiba ng sales record at dalawang notebook na nagdedetalye ng alcoholic drinks at bar fines, at pangalan ng mga babae at bayad sa kanila sa kanilang extra service.

Dahil walang kakayahang pumalag ang mga biktima, sinamantala ng sindikato ang kanilang kahinaan.

Nahaharap ngayon ang tatlong suspek at dalawang iba pa sa kasong Qualified Trafficking in Persons, at pansamantala silang ipiniit sa San Fernando City Jail alinsunod sa Commitment Order ng RTC.

Hindi naman pinangalanan ang mga menor de edad dahil sa maselang isyu, gayundin ang mga suspek para sa patuloy na imbestigasyon sa aktibidad ng posibleng malaking sindikato sa likod ng human trafficking. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here