Home NATIONWIDE Marcos admin, babantayan ng Senado sa implementasyon ng 2026 budget

Marcos admin, babantayan ng Senado sa implementasyon ng 2026 budget

199
0

MANILA, Philippines – Layon ni Senador Win Gatchalian na tiyaking ganap na sumusunod ang lahat ng ahensya ng administrasyong Marcos sa mga probisyon ng 2026 General Appropriations Act (GAA) upang patatagin ang fiscal management ng bansa.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Finance, na layunin ng mas hinigpitang monitoring na pigilan ang maling paggamit ng pondo ng bayan at masugpo ang mga iskandalo tulad ng flood control scam.

“Kailangang tiyakin na ang mga prayoridad na programa para isulong ang dekalidad na edukasyon, sapat at abot-kayang serbisyong pangkalusugan, at pangmatagalang seguridad sa pagkain ay naipatutupad kasabay ng pagprotekta sa integridad ng pambansang budget at pag-institutionalize ng mga repormang nakatuon sa mas transparent, disiplinado, at accountable na paggamit ng pondo ng bayan,” sabi ni Gatchalian kasabay ng paghahain ng panukalang Senate Resolution No. 299.

Binigyang-diin ng chairman ng Senate Committee on Finance na hindi sapat na ang GAA ay sumasalamin lamang sa isang budget na nakasentro sa tao.

“Sa gitna ng tumataas na pangangailangan ng bansa sa paggasta, dapat tiyakin natin na ang bawat paglabas ng pondo ay naaayon sa 2026 GAA at nagagamit nang tama,” aniya.

Upang itaguyod ang transparency at accountability, inaatasan ng 2026 GAA ang lahat ng ahensya na gumawa ng isang online infrastructure dashboard na nagpapakita ng mga detalye at dokumento ng proyekto, pinagmumulan ng pondo, paraan ng procurement, patunay ng koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan, at quarterly updates na may mga geo-tagged na larawan ng mga kasalukuyang proyekto, dagdag pa ng senador. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here