MANILA, Philippines – Nasawi na rin ang isa pa sa mga sakay ng sasakyang nasangkot sa banggaan sa Pinamungajan, Cebu.
Ito ang kinumpirma ni Police Staff Sergeant Ryan Mangilimotan ng Pinamungajan Police Station nitong Lunes, Oktubre 14 kung saan isa sa mga pasahero ng kotse na si Jade Roca Engle, 22, mula sa Tacloban City ay nasawi mula sa mga tinamong pinsala sa katawan.
Sa ulat, ang grupo ay patungo sa Aloguinsan nang sumalpok sa paparating na prime mover ang kanilang sinasakyang hatchback.
Nauna nang iniulat na nasawi sa insidente ang drayber na aeronautics student na si Jan Raydel Booc, 20, at isa pa sa kasama nitong si Stephen Sabornino, 18.
Dinala naman sa ospital ang dalawa iba pa na sina Engle at Rev Luther Alolo, 19.
Nitong Lunes ng umaga, sinabi ni Mangilimotan na pumanaw na si Engle, habang nasa kritikal pa ring kondisyon si Alolo.
Sa imbestigasyon, napag-alaman na mabilis ang patakbo ng grupo sa highway patungo sa Aloguinsan, mula Toledo City kung saan sila nag-inuman.
Sinakop ng kanilang sasakyan ang kabilang linya dahilan para salubungin nito ang paparating na prime mover, madaling araw ng Sabado, Oktubre 12.
Nahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide at damage to property ang drayber ng prime mover.
Patuloy naman ang gagawing imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay nito. RNT/JGC