MANILA, Philippines – Inaasahang gagawin na rin sa labas ng Batangas ang pagbabakuna laban sa African swine fever.
Sa sidelines ng National Meat Safety Consciousness Week, sinabi ni Agriculture Undersecretary for Livestock Deogracias Victor Savellano na susubukan nila ang mga bagong estratehiya para mapabilis ang vaccine rollout.
“Nag-usap kami ni Secretary [Francisco Tiu Laurel] the other day, na kailangan talaga bilisan ang rollout, as we have a commitment na by November, yung 10,000 doses, ma-rollout na natin,” ani Savellano.
“May mga new strategies na gagawin, yung mga regional directors will look for yung mga gusto na magpa-vaccine,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Savellano na mabagal ang rollout dahil sa proseso na nag-oobliga ng blood testing ng baboy para makumpirma na sila ay ASF free.
Nagdadalawang-isip din ang may-ari ng maliliit na babuyan dahil ang mga infected na baboy ay kailangang patayin.
Sa kabila nito, sinabi ni Savellano na bagamat hindi nila tuluyang aalisin ang testing bilang bahagi ng vaccination process, pinag-aaralan pa nila ang ibang posibilidad.
Kailangan din aniyang maging mahigpit ang biosecurity hindi lamang sa mga baboy kundi maging sa ibang hayop.
“Minsan nako-control natin, minsan hindi. Kailangan talaga natin palakasin ang biosecurity. Yun ang nakikita natin na kailangan natin pagtuunan ng pansin,” anang opisyal. RNT/JGC