MANILA, Philippines – Nakumpiska ng mga awtoridad sa Bangsamoro Region ang nasa P1.9 milyong halaga ng ismagel na sigarilyo.
Kasabay nito ay naaresto naman ang tatlong lalaki sa magkakahiwalay na operasyon sa Lanao del Sur at Maguindanao del Norte sa nakalipas na dalawang araw.
Ayon kay Brig. Gen. Jaysen de Guzman, regional director ng Police Regional Office sa Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), inaresto ng mga operatiba ng municipal police station sa Marantao, Lanao del Sur ang dalawang lalaki sa operasyon sa Narciso Ramos Highway sa Barangay Daana-ingud nitong Biyernes.
Tinukoy ang mga suspek na sina “Alias Mangorsi,” 26, at “Alias Bonsalagan,” 20, helper, mula sa Pualas, Lanao del Sur.
Sakay ang mga ito ng Toyota Revo car (Plate No. XCU-205) na naharang sa checkpoint.
Nadiskubre ng pulisya at nasamsam ang nasa 42 cases ng imported cigarettes na nagkakahalaga ng P1,648,500.
Bago rito ay naharang sa South Upi, Maguindanao del Norte ang isang Toyota Innova (KDB 552) sa police outpost sa Barangay Romongaob noong Huwebes kung saan naaresto ang drayber nitong si Keneth Fruta Mayao, 30, residente ng Davao City.
Nasamsam naman sa kanyang ang 375 reams ng ismagel na sigarilyo. RNT/JGC