Home HOME BANNER STORY Pamahalaan sisiraan ni Co para makaiwas sa sisi – Tiangco

Pamahalaan sisiraan ni Co para makaiwas sa sisi – Tiangco

312
0

MANILA, Philippines — Binanatan ni Navotas Rep. Toby Tiangco si dating Ako Bicol Rep. Elizaldy Co, at sinabing malinaw umano ang tangka nitong guluhin ang administrasyong Marcos sa pamamagitan ng kanyang mga alegasyon ng maanomalyang insertions sa 2025 national budget.

Ayon kay Tiangco, ang paglabas ni Co sa publiko nang hindi pinanunumpaan ang kanyang mga paratang ay patunay na hindi ito naglalayong maghabol ng pananagutan, kundi magpasiklab ng kaguluhan sa politika.

“Bakit ngayon lang siya nagkaroon ng lakas ng loob magsalita?” aniya.

“Karaniwan, ginagawa ito kung magsasampa ka ng kaso… pero kung hindi naman ’yan ang layunin mo, ano ba talaga ang gusto mo? Malinaw — gusto niyang i-destabilize ang gobyerno.”

“He’s now backed into a corner, and he cannot deny that he accepted kickbacks. But to wriggle his way out, he wants to frame someone else, and say that he passed on the money he got to Marcos,” dagdag pa nito.

Muling umapela si Tiangco sa Department of Foreign Affairs (DFA) na agad kanselahin ang passport ni Co, batay sa probisyon ng 1987 Constitution na nagpapahintulot ng travel restrictions para sa national security kahit walang court order.

Binigyang-diin niya ang Article III, Section 6, na nagsasabing ang karapatan sa pagbiyahe ay maaaring limitahan para sa national security, public safety, o public health.

“The DFA has no more excuses now,” ani Tiangco.

“This has clearly become a national security issue.”

Lumutang ang panibagong tensiyon matapos akusahan ni Co si Pangulong Marcos, sa pamamagitan umano ni dating Speaker Martin Romualdez, Budget Secretary Amenah Pangandaman, at PLLO Undersecretary Adrian Bersamin na nagmaniobra para maipasok ang P100 bilyon sa bicameral conference committee deliberations para sa 2025 General Appropriations Act.

Ipinunto ni Tiangco na ang timing ng mga pahayag ni Co, ilang araw bago ang malalaking kilos-protesta, ay indikasyon ng layunin nitong pasiklabin ang galit ng publiko at idawit ang Pangulo sa kontrobersiya.

Samantala, ilang eksperto tulad nina political analyst Antonio Contreras, dating Finance Undersecretary Cielo Magno, at Sen. Panfilo Lacson ay nagpahayag na hindi kapani-paniwala ang mga pahayag ni Co, dahil maaari umanong gawin ng Pangulo ang anumang insertions sa antas pa lang ng National Expenditure Program.

Sinang-ayunan ito ni Tiangco, na nagsabing walang “logical sense” na hihintayin pa ng Pangulo ang huling yugto ng bicam para lamang magpasok ng kaniyang proyekto sa budget. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here