Maguindanao — Ipinasisibak ng Commission on Elections (COMELEC) sa Philippine National Police (PNP) ang tatlong mataas na opisyal sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) dahil sa kabiguan nilang magbigay ng sapat na seguridad sa ilang mga election personnel.
Kabilang sa mga ipinapasibak ay si PBGen Romeo Macapaz, Regional Director ng BARMM; PCol Eleuterio Ricardo Jr, Hepe ng Maguindanao Del Norte; at PCol Ryan Bobby Paloma, Hepe ng Maguindanao Del Sur.
Ang kahilingan sa kanilang pagpapatanggal ay ipinaabot ni Comm. Aimee Ferolino, Chairperson ng Gun Ban and Security Concerns Committee, at inaprubahan ng COMELEC En Banc.
Ayon sa COMELEC, ang desisyon ay dulot ng kabiguan ng mga nasabing opisyal na aksyunan ang mga hiling ng field personnel ng COMELEC para sa security detail, tulad ng hiling ni Datu Odin Sinsuat Election Officer Maceda Abo, na napatay sa pananambang kasama ang kanyang asawa. Ilang beses ding humiling ang mga Provincial Election Supervisors ng Maguindanao, ngunit walang aksyon na ginawa ang mga nabanggit na opisyal. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)