MANILA, Philippines- Nadakip sa magkahiwalay na anti-criminality operations ng Pasay City police ang tatlong most wanted person (MWP) sa lungsod nitong nakaraang Biyernes, Abril 5.
Kinilala ni Pasay City police chief P/Colonel. Mario Mayames Jr., ang mga nadakip na mga suspek na sina alyas Randy, 45, residente ng Rawis St., Tondo, Manila at Cornejo St., Malibay, Pasay City; alyas Buboy, 21, ng Munoz St., Barangay 143, Pasay City; at isang alyas K-Ram, 22, nanunuluyan sa Kalinisan Street, Zapote 1, Bacoor City, Cavite gayundin sa Seaside Square, Parañaque City.
Unang inaresto ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) sa Pasay City police si Alyas Randy, na nahaharap sa kasong rape at tinaguriang Top 10 most wanted person sa regional level, dakong alas-11 ng umaga sa Malibay Plaza, Pasay City.
Si alyas Randy ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Pasay City Family Court Judge Jehan Batua Sampao-Hassiman ng Branch 11 noong Marso 21, 2024 na walang kaukulang rekomendasyong piyansa.
Sinabi ni Mayames na sumunod na nasakote ay si alyas Buboy sa patuloy na pagsasagawa ng anti-criminality operations ng mga tauhan ng Substation-1 dakong alas-2:30 ng hapon sa kanto ng Munoz at Tramo Sts., Pasay City.
Si alyas Buboy na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o illegal possession of prohibited drugs ay tinaguriang Top 8 most wanted person ay nadakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong Marso 13, 2023 ni Manila Regional Trial Court (RTC) Judge Danilo D. Leyva ng Branch 175 na walang piyansang inirekomenda.
Ayon kay Mayames, ang ikatlong hinuli na si alyas K-Ram na tinaguriang Top 10 most wanted person dahil sa kanyang kinahaharap na kasong robbery with physical injuries ay nahuli dakong alas-4 ng hapon sa kahabaan ng F.B. Harrison St., Pasay City.
Ang pagkakaaresto kay alyas K-Ram ay naipatupad sa bisa na rin ng inisyung warrant of arrest na inisyu noong Marso 19, 2024 ni Pasay RTC Judge Judge Marjury Almojera Madrid-Songgadan ng Branch 117 na may rekomendasyong piyansa sa halagang P120,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan. James I. Catapusan