MANILA, Philippines – Naaresto ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang tatlong indibidwal na sangkot sa online selling ng mga ipinagbabawal na paputok sa serye ng operasyon sa Metro Manila at Tarlac.
Sa pahayag nitong Miyerkules, Disyembre 25, tinukoy ng ACG public information officer Lt. Wallen Arancillo ang dalawang suspek na sina Mark at Mike sa entrapment operation ng 9:30 a.m. noong Bisperas ng Pasko sa Herrera Street, Sta. Cruz, Manila.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang 10 cubes ng Kingkong firecrackers; apat na cubes ng Tuna firecrackers; at apat na piraso ng Kabase na nagkakahalaga ng P6,900 mula sa mga suspek.
Ani Arancillo, naaresto rin sa isa pang entrapment operation ang suspek na si alyas Juan noong Disyembre 3 sa Mc Arthur Highway, San Rafael, Tarlac City.
Nakuhanan ang suspek ng P5,000 halaga ng paputok na ibinibenta online.
Mahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Republic Act (RA) 7183 o Act Regulating the Sale, Manufacture, Distribution, and Use of Firecrackers and Pyrotechnic Devices na may kaugnayan sa Section 6 ng RA 10175, o Cybercrime Prevention Act of 2012.
“Paalala po mula sa PNP-ACG na pinagbabawal ang pagbebenta online illegal firecrackers alalahanin natin mayroon itong kaakibat na fines at imprisonment kung meron man kayo alam na nagbebenta ng firecrackers online huwag kayo mag dalawang isip na magreport sa PNP-ACG para sa agarang aksyon.” RNT/JGC