Home METRO 3 paslit patay sa lunod sa Negros

3 paslit patay sa lunod sa Negros

MANILA, Philippines – Natagpuan nitong weekend ang bangkay ng tatlong menor de edad na unang naiulat na nawawala habang lumalangoy sa baybayin ng Barangay Malabugas, Bayawan City, Negros Oriental.

Sinabi ni Lt. Col. Stephen Amamag, hepe ng pulisya ng Bayawan City, nitong Lunes, na magkahiwalay na narekober ang mga bangkay ng mga bata sa baybayin ng Malabugas sa katimugang lungsod noong Linggo.

Kinilala ang tatlo na sina Genalyn Primor Villagracia, 11; kanyang kapatid na si Helmar Primor Villagracia, 7; at ang kanilang 7 taong gulang na pinsan na si Lance Reasol Villagracia.

Ayon sa ulat ng pulisya, nag-swimming ang mga bata noong Sabado ng umaga kasama ang kanilang mga magulang. Sila ay iniulat na nawawala sa kalagitnaan ng hapon.

Agad na inilunsad ng City Disaster Risk Reduction and Management Office ang paghahanap sa mga nawawalang bata na pinaniniwalaang naabutan ng malalakas na agos at malalaking alon, dagdag niya. RNT