MANILA, Philippines – TINAWAG na “professional liar” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) intelligence officer Jonathan Morales makaraang isama siya nito sa leaked confidential documents, isang pre-operation report at authority to operate, ng anti-drug agency.
Bukod dito, ikinumpara pa ng Pangulo si Morales sa isang jukebox.
”Mahirap naman bigyan ng importansya ‘yan. You know, this fellow is a professional liar at parang jukebox ‘yan. Kung anong ihulog mo — basta maghulog ka ng pera kahit anong kantang gusto mo, kakantahin niya. Kaya wala, wala… Walang saysay. Tingnan mo na lang ang kanyang record,” ayon sa Pangulo.
”Tingnan mo na lang ang kanyang — may kaso siya na false testimony. Iyan ganyan. Ilan bang mga… Marami siyang history na kung sino-sino sinasangkot kung saan-saan. Parang ‘yun ang — doon siya… Iyon ang hanapbuhay yata niya, kaya professional liar ang tawag ko sa kanya,” dagdag na wika nito.
Nauna rito, itinanggi ni PDEA Director General Moro Virgilio Lazo sa Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs kung saan si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, ang chairman ng komite na hindi tunay ang mga dokumento, kabilang na ang pre-operation report at authority to operate.
Iginiit pa ni Lazo na walang katotohanan ang mga alegasyon ni Morales, na pawang gawa-gawa lamang at walang batayan.
Sinabi pa ni Lazo na hindi dapat paniwalaan ang mga testimonya ni Morales na nagsinungaling nang itago nito na siya ay sinibak ng Philippine National Police (PNP) ng pumasok ito sa PDEA.
Samantala, tinawanan lang ni Pangulong Marcos ang isyu ng drug list ng PDEA kung saan kasama umano ang pangalan nito.
Sa ambush interview sa Pangulo sa Pasay City, hindi nagkomento ang Presidente nang matanong na kasama umano sila ng aktres na si Maricel Soriano sa drug list.
Matatandaan na sa pagdinig ng senado, sinabi ni dating PDEA intelligence officer Jonathan Morales na kasama ang dalawa sa listahan na sangkot sa illegal na droga.
Subalit, agad itong pinabulaanan ni PDEA Director General Moro Virgilio Lazo at sinabing non-existent ang listahan.
Sinabi pa ni Lazo na walang basehan ang mga alegasyon ni Morales.
Ayon pa kay Lazo, hindi dapat na umasa ang Senado sa pahayag ni Morales na nakasuhan ng perjury dahil sa pagtatago ng impormasyon na natanggal na siya sa Philippine National Police nang mag-apply sa PDEA. Kris Jose