MANILA, Philippines – WELCOME kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang intensyon ng French government na sumali sa military exercises sa West Philippine Sea (WPS).
“This development is indicative of the growing support from the international community to uphold the sovereign rights of the Philippines in WPS,” ayon kay Pangulong Marcos.
Sa isang panayam sa sidelines ng financial aid distribution ng gobyerno sa General Santos City, winika ng Pangulo na nananatili siyang nagpapasalamat para sa ‘global support’ sa Pilipinas sa gitna ng mga hamon sa pinagtatalunang katubigan.
“Kami’y nagpapasalamat sa lahat ng mga iba’t-ibang bansa kahit na nanggagaling sa malayo pa ngunit sila ay handang tumulong sa atin,” ayon kay Pangulong Marcos.
“At kapag tayo’y nagkaproblema, very supportive sila hindi lamang sa salita kung hindi pati na sa mga tinatawag na joint cruises,” dagdag na wika nito.
“Kaya’t lahat ng tumutulong sa atin, lahat ng tumutulong sa Pilipinas, kami’y nagpapasalamat at ito ay magiging malaking bagay, malaking tulong para mapayapa at maging stable ang West Philippine Sea,” aniya pa rin.
Samantala, tinuran pa ng Pangulo na ang suporta mula sa international community ay mahalaga para igarantiya ang freedom of navigation sa WPS at ang global economy ay hindi maaapektuhan. Kris Jose