MANILA, Philippines – Kailangan mabatid ang tunay na nilalaman ng umano’y “gentleman’s agreement” sa pagitan ng Pilipinas at ng Tsina kaugnay sa Ayungin Shoal bago matukoy kung sakop ito sa ilalim ng international law.
Sa pagdinig ng House Committee on National Defense and Security with the Special Committee on West Philippine Sea, sinabi ni DOJ senior state counsel Atty. Fretti Ganchoon na sa ilalim ng international law, ang dalawang otorisadong opisyal ng dalawang bansa na pumasok sa kasunduan ay maaaring nakatali na sa naturang kasunduan.
Ipinaliwanag ni Ganchoon na walang pormalidad sa gentleman’s agreement, nangangahulugan na maaari itong gawin nang walang nakaharap na testigo at kahit hindi pormal na isalin sa kasulatan.
Aniya, tinatawag ito na “oral treaty” na pinapayagan sa international law.
Gayunman, kung maituturing ba kung ligal o hindi, ito ay nakasalalay sa nilalaman ng kasunduan kung kaya kailangan malaman ang tunay na napagkasunduan.
Nilinaw pa ni Ganchoon na kung iligal man ang naturang kasunduan, hindi na ito umiiral dahil napawalang bisa na ito ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. noong Agosto 2023 nang itanggi nito na nangako ang Philippine government sa China na aalisin na ang BRP Sierra Madre mula sa Ayungin Shoal.
Malinaw aniya ang inihayag ng Pangulo na kung mayroon mang kasunduan sa nakalipas na administrasyon ay kanya niya itong pinapawalang bisa.
Una nang iginiit ni dating pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya nakipagkasundo sa China kaugnay sa pagtanggal ng BRP Sierra Madre. Teresa Tavares