MANILA, Philippines – Patay ang isang 37-taong-gulang na lalaki matapos barilin ng dalawang armadong suspect sa harap ng kanyang pag-aaring tapsilogan Biyernes ng madaling araw (Mayo 10) sa Pasay City.
Dead on the spot sanhi ng isang tama ng bala sa bandang itaas ng kaliwang bahagi ng kanyang noo ang biktima na kinilalang si Mark Anthony Gandamo, alyas Ponga, 37, nakatira sa No. 1 Leonardo St., Brgy. 61, Pasay City.
Base sa report na isinumite ni Pasay City police chief P/Col. Mario Mayames, Jr. kay Southern Police District (SPD) Director P/Brig. Gen. Leon Victor Z. Rosete, nangyari ang insidente ng pamamaril dakong alas 12:25 ng madaling araw sa harap ng tapsilogan na pag-aari ng biktima at ng dalawa pa niyang kasosyo sa No. 1 Leonardo St., Brgy. 61, Pasay City.
Sa imbestigasyon na isinagawa ni case officer P/SMS Alfredo Aquino, napag-alaman sa ilang saksi na dumating ang dalawang di pa nakikilalang suspects galing sa direksyon ng Emma Street na nagpanggap pang mga kustomer at umorder.
Matapos umorder ay bumunot ng baril ang isa sa mga suspects at pinaputukan si Gandamo sa kanyang ulo na naging sanhi ng agarang kamatayan ng biktima.
Mabilis na nilisan ng mga suspects ang lugar hanggang sa tuluyan nang makatakas ang mga ito.
Sinabi ni Mayames na sa kasalukuyan ay nagsasagawa ng backtracking ang mga tauhan ng Arnaiz Substation sa kanilang nakalap na CCTV footage sa barangay upang matunton ang pagkakakilanlan at posibleng pag-aresto sa mga suspects na hanggang sa kasalukutan ay nakalalaya pa. James I. Catapusan