Home METRO 3 patay sa tumalong SUV sa bangin

3 patay sa tumalong SUV sa bangin

TUBA, Benguet- Patay ang tatlong katao habang sugatan ang tatlo pa matapos mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang Sports Utility Vehicle, noong Sabado sa bayang ito.

Kinilala ang mga nasawi na sina Jasper Marcuap, driver; ama nitong si Rodolfo, at Ian, 10, lahat ay taga-Candelaria, Quezon.

Ginagamot naman sa Baguio General Hospital and Medical Center, Baguio City ang kanilang kaanak na sina Kristel, 38; Jonathan, at Kiefer, 5.

Batay sa report ng Tuba Municipal Police Station, bandang alas-4 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Marcos Highway na sakop ng Sitio Begis, Barangay Taloy Sur, ng nabanggit na bayan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver na si Jasper at inararo nito ang road signage hanggang sa mahulog sila sa bangin na may lalim na 100 metro. Mary Anne Sapico