Home SPORTS San Nicolas ADONIS ng Bacoor kampeon sa FC league

San Nicolas ADONIS ng Bacoor kampeon sa FC league

Binitbit ng mga batang manlalaro ng  San Nicolas Adonis Football Club team ng Bacoor, Cavite ang impresibong kampeonato sa katatapos lang na Youth Premier 7’Aside Football Cup League sa ginanap noong April 20, 2024 sa Evia Football Field Muntinlupa City.

“Pursigudo po ang mga players masungkit ang karangalan kaya nagbunga ang ensayo namin at paghahanda. Inaalay po namin ito sa mga sumuporta sa aming team. Lalo na sa mga taga-Barangay San Nicolas 1 na naging bukas palad sa amin. Kay Kap. Alfredo Kalinisan at bago naming manager na grupo ng Adonis San Nicolas 1, ” pahayag ni team coach khensu Mercado.

” Sa aming Barangay, patuloy po ang suporta namin sa ano man na uri ng laro sa pampalakasan. Isa po ito sa paraan upang mailayo sila sa ilegal na droga at gawain. Para na din po matulungan ang aming 24/7 sa Serbisyo na si Mayor Strike Revilla sa kanyang adhikain na maging maunlad pa ang Bacoor City, ” wika ni Barangay Chairperson Alfredo Kalinisan ng San Nicolas 1.

Ang ilan sa sinikap talunin ng SNAFC upang makamit ang kampeonato ay koponan ng Perpetual Las Piñas Football Club (LPFC) , Black Marlins (BM), Harrell Horne High School (HHMS) at Youth Football Academy (YFA)-Muntinlupa.

Unang pinayuko ng SNAFC ang LPFC sa score 2-0. At agad ginupo din ang Black Marlins hangang pasukuin sa semi-finals ang YFA sa score din na 2-0. Tuluyan na dineklarang kampeon ang SN Adonis FC team na talunin ang MHHS team sa finals.

“Patuloy po tayo susuporta sa mga mahuhusay at masisipag na batang ito. Dalangin po namin na mas malayo pa ang kanilang marating. Ito po ay hindi lamang para sa karangalan ng Barangay San Nicolas 1 bagkus ay sa buong Bacoor City sa ilalim ng mahusay na pamumuno ni Mayor Strike, ‘ pagtatapos ni Jojo Gamboa, tagapagsalita ng grupo ng Adonis San Nicolas 1.CESAR MORALES