Home HOME BANNER STORY 3 Pinoy patay sa UAE floods

3 Pinoy patay sa UAE floods

MANILA, Philippines- Iniulat ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Huwebes na may tatlong Pilipinong namatay sa gitna ng pagbaha sa United Arab Emirates.

“With extreme sadness, we report the death of 3 OFWs during the flooding in UAE. Two OFWs died due to suffocation inside their vehicle during the flood. One other OFW died due to a vehicular accident. We shall provide utmost support and assistance to their families,” sabi ni DMW officer-in-charge Hans Cacdac sa isang post sa X ( Twitter).

Naipagbigay-alam na rin aniya ito sa pamilya ng mga biktima ngunit wala aniya siyang kalayaan na ibunyag ang mga pangalan ng tatlong OFW hanggang oras na ito.

Dalawa sa mga biktima ay babae habang ang isa ay lalaki, ayon kay Cacdac.

Nagpahayag na rin ng taos-pusong pakikiramay at pagdadalamhati ang DMW sa mga pamilya at kaanak ng mga yumaong OFW.

Sinabi ng DMW na ang kanilang Migrant Workers Office ay nakikipagtulungan sa mga opisina ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Dubai at Abu Dhabi para ibigay ang lahat ng tulong sa mga pamilya ng tatlong OFW.

“The department assures the families of the three OFWs of its fullest support and assistance,” ayon pa sa pahayag.

Sinabi rin ng DMW na ang mga tanggapan ng Pilipinas sa Abu Dhabi at Dubai ay naghahanda para sa pamamahagi ng relief goods, pangunahing pangangailangan, at iba pang mahahalagang bagay sa mga komunidad ng overseas Filipino worker (OFW) sa Al Ain at Dubai.

“MWO (Migrant Workers Office) Dubai and Abu Dhabi are working closely with the Philippine Embassy and Consulate General and coordinating with Filipino communities to assist our OFWs,” sinabi ng  DMW sa isang hiwalay na pahayag.

Ang mga public assistance  at traning areas ng MWO-Dubai ay binaha noong Miyerkules ngunit ang mga ito ay nalinis na, dagdag ng DMW.

Sinabi ni Cacdac na 648,929 Pilipino ang nasa Dubai, ngunit walang humiling na mapauwi sa gitna ng baha.

Pinakamalakas itong pag-ulan na naranasan ng United Arab Emirates sa loob ng 75 taon, kung saan malaking pinsala ang naitala. Jocelyn Tabangcura-Domenden