Home NATIONWIDE 3 school execs kinasuhan ng NBI ng illegal recruitment

3 school execs kinasuhan ng NBI ng illegal recruitment

MANILA, Philippines – Inanunsyo ng National Bureau of Investigation (NBI) na sinampahan ng kasong kriminal ang tatlong indibidwal mula sa pribadong learning institutions na nakabase sa Camarines Sur dahil sa umano’y illegal recruitment at estafa.

Sa pahayag ng NBI, kinasuhan ng kanilang District Office sa Naga ang mga sangkot na sina Carmelo Carcido, Demitri Carcido at Marchan Villar kasunod ng kahilingan mula sa mga imbestigador sa embahada ng Estados Unidos sa umano’y illigal na aktibidad ng Brentwood College of Asia (Brentwood) kung saan si Carmelo Carcido ay presidente at chief executive officer.

Ayon sa NBI, ang Overseas Criminal Investigation, Regional Security Office ng United States Embassy ay hiniling ang tulong matapos na umano’y magpakilala na kaya nitong magpadala ng mga indibidwal sa US para magtrabaho.

Isa umano sa mga biktima ang nagbayad sa Brentwood ng P181,980 para sa processing fee, visa fee at para sa plane ticket sa US. Karagdagang pang USD1,327 ang binayaran ng mga biktima sa Brentwood.

Pagdating sa Amerika, ininterbyu siya ng immigration officer na kalaunan ay natuklasan na wala itong return ticket.

Inamin ng biktima na balak niyang magtrabaho bilang caregiver sa Amerika ngunit pinabalik siya sa Pilipinas.

Apat pang biktima ang nagpahayag na sinabihan sila ng Brentwood na maipapasila ng Brentwood sa US para sa employment, internship at student exchange program via tourist visas.

Bawat Isa ay nagbayad ng P25,000 hangang P50,000 ngunit nang humaeao sa US Embassy para sa interbyu, ang kanilang visa ay na-deny. Jocelyn Tabangcura-Domenden