DAVAO CITY- Nahatulan ng pagkakakulong ang tatlong sundalo na may kaugnayan sa kasong pagpatay sa isang negosyante habang ang isang heneral ay sinita at napagalitan, iniulat kahapon sa lungsod na ito.
Hinatulan ng special general court martial, sina Sgt. Delfin Sialsa at Cpl. Adrian Cachero ng 10 hanggang 12 taong pagkakakulong, at si PFC Rolly Cabal ng 4 hanggang 6 taon at parehong tanggal sa serbisyo.
Habang si Brig. Gen. Jesus Durante III, dating commander ng 1001st Infantry Brigade, ay napatunayang guilty sa Article of War 97 (conduct prejudicial to good order and military discipline) at pinatawan ng reprimand.
Inabswelto sina Durante at Col. Michael Licyayo sa Article of War 96 (conduct unbecoming an officer and a gentleman) dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Nalinis din sa kaso sina MSgt. Ariel Ballesteros at SSgt. Gilbert Plaza.
Matatandaang binaril ng riding-in-tandem sa labas ng kanyang tahanan sa Davao City noong Disyembre 2022 si Yvonette Chua Plaza, isang negosyante at modelo.
Iniuugnay si Durante bilang mastermind, ngunit itinanggi niya ang akusasyon at sinabing magkaibigan lamang sila.
Iginiit naman ng Philippine Army na may integridad ang hustisya. Mary Anne Sapico