QUEZON, Nueva Vizcaya – Tuluyan ng naaresto ang tatlong suspek na may dalang P680,000.00 halaga ng shabu ang nasamsam ng mga awtoridad sa magkasunod na operasyon na isinagawa ng Quezon Municipal Police Station sa inilatag na checkpoint sa Barangay Maddiangat at Barangay Nalubunan, Quezon, Nueva Vizcaya.
Sa ponaigting na kampanya laban sa illegal drugs ni PCol. Paul Bomitivo, Provincial Director ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office o NVPPO ay unang naaresto sina alyas JM, 38 anyos, at alyas Joshua, 24 anyos, parehong construction workers at residente ng Purok 2, Ibung, Villaverde, Nueva Vizcaya.
Una rito, pinara ang kanilang motorsiklo sa isang checkpoint dahil walang plaka ang motor at ang back rider ay walang helmet.
Sa isinagawang inspeksyon ng pulisya, walang kaukulang papeles ang gamit nilang motorsiklo at napansin ang kakaibang kilos ng back rider na hindi mapakali dahil sa laman ng bibig nito. Agad siyang pinagbukas ng bibig at duon mismo narekober ang isang plastic sachet na naglalaman ng tinatayang 0.2 gramo ng shabu.
Maliban sa shabu ay nakumpiska ang isang cellphone at ang walang plaka na motorsiklo.
Nagkaroon ng follow-up operation sa Purok 1, Brgy. Nalubbunan, kung saan naaresto si alyas JB, 40 anyos, construction worker at residente ng parehong lugar. Nakuha mula sa kanya ang higit 100 gramo ng shabu na may tinatayang halaga na Php 680,000.00 Kasama rin sa nakumpiskang gamit ay digital weighing scale, cellphone, lighter, foil, at tooter na ginagamit sa ilegal na droga.
Ang pag-aresto sa ikatlong suspek ay bunga ng impormasyong galing sa unang operasyon sa Maddiangat kung saan tinuro ng mga suspek ang lugar na pinanggalingan ng droga. Kinilala ng mga suspek si alyas JB bilang nagbebenta ng droga sa lugar.
Pansamantala nasa kustodiya ng pulisya ang tatlong suspek habang inihahanda na ang kasong R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (REY VELASCO)