LANAO DEL SUR- Patay ang tatlong terorista habang nadakip ang pitong kasamahan matapos makaengkwentro ang pulisya sa isinagawang search warrants operation, kahapon sa probinsyang ito.
Kinilala ang mga nasawi na sina Bashir Macarangcat, Sowaib Macarangcat at Abdulatip Ripag, habang nadakip ang mga kasamahan na sina Saynolla Tigunogon; Aslani Ripag; Acmali Sarip; Anwaar Aragon; Salik Maulana; Nasrudin Acob at Sultan Macalawan Macarambon Maulana.
Ayon kay Police Maj. Alvinson Mustapha, tagapagsalita ng Lanao del Sur Police Provincial Office, naganap ang engkwentro Barangay Matampay Dimarao, Bubong, Lanao del Sur.
Batay sa report, isisilbi lamang sana ng PNP-CIDG-BARMM team ang search warrants hinggil sa mga baril at ng ilegal na droga sa nasabing lugar.
Pagdating sa lugar na pinangyarihan ng engkwentro ay agad na sinalubong ng mga putok ng baril ang mga pulis kaya gumanti na rin sila ng putok.
Tumagal ng ilang minuto ang palitan ng putok na ikinasawi ng tatlo.
Narekober sa mga suspek ang M-16 rifle; dalawang kalibre .45 na baril; granada; rifle grenade; rifle scope; sari-saring mga bala; at 10 gramo ng pinaniniwalaan shabu.
Nakatakda namang sampahan ng kaukulang kaso ang mga naarestong suspek. Mary Anne Sapico