MANILA, Philippines – Iginiit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na kailangang tiyakin ng pamahalaan na ang mga bagong teknolohiya, kabilang ang artificial intelligence (AI), ay tunay na nakatutugon sa pangangailangan at kapakanan ng mga Pilipino.
Sa mensaheng binasa ni Cabinet Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr., sinabi ng Pangulo na kailangang gawing mas accessible ang mga makabagong teknolohiya habang binibigyan ang mga Pilipino ng sapat na kaalaman at kasanayan upang magamit ang mga ito nang responsable.
“We must make innovation more accessible and equip our people with the skills to use it; AI must remain anchored on accountability, security, and public service,” ayon sa Pangulo.
Binigyang-diin ito ng Pangulo sa paglulunsad ng eGovAI at “Kuya A” AI Assistant sa Manila Hotel nitong weekend.
Hinimok din ni Pangulong Marcos ang mga Pilipino na maging responsable sa paggamit ng AI at tiyaking nagsisilbi itong katuwang sa halip na pamalit sa sariling pagpapasya ng tao.
“Always remember that technology should sharpen our judgment, not replace it. Let us use AI as a tool to make well-informed decisions, without surrendering our own capacity to question, discern, and decide,” ani Pangulong Marcos.
Inilunsad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang “Kuya A,” isang AI-powered assistant na idinisenyo upang matulungan ang mga Pilipino na mas madaling makakuha ng government services sa pamamagitan ng eGovPH Super App.
Binuo ng DICT, nagbibigay ang Kuya A ng real-time assistance at may kakayahang tumulong sa document extraction, image identification, translation, form interpretation at speech generation.
Maaari rin itong gamitin upang makakuha ng impormasyon tungkol sa turismo, mga batas at polisiya ng pamahalaan, gayundin sa electronic Know Your Customer (eKYC) para sa identity verification.
Bahagi ang paglulunsad ng eGovAI at Kuya A ng patuloy na digitalization program ng Administrasyong Marcos upang gawing mas simple, mabilis at accessible ang mga transaksyon at serbisyo ng pamahalaan.
Nakatuon din ang mga naunang eGovPH initiatives sa pagsasama-sama ng iba’t ibang government services sa isang platform upang mabawasan ang pangangailangan ng mga mamamayan na pumunta sa magkakaibang tanggapan para sa kanilang mga transaksyon.
Kabilang sa mga dumalo sa aktibidad sina DICT Undersecretary David L. Almirol Jr. at Assistant Secretary Maria Victoria C. Castro. Dumalo rin sina Anti-Red Tape Authority Secretary Ernesto V. Perez, Chief Public Attorney Persida V. Rueda-Acosta, at Presidential Action Center Director IV Mary Grace S. Arboladura.
Kinatawan din sa aktibidad ang Department of the Interior and Local Government, Metropolitan Manila Development Authority, Philippine Charity Sweepstakes Office, Presidential Communications Office at iba pang ahensya ng pamahalaan. (KRIS JOSE)