MANILA, Philippines – Swak sa kulungan ang tatlong hinihinalang drug suspek sa isinagawang drug buy-bust operation ng mga pulis sa Brgy. Unang Sigaw, Quezon City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni PMAJ Jacinto Pascual IV, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Quezon City Police District station 3 Talipapa ang mga dinakip na sina alyas Jao, 19, ng Brgy. Bagbag, QC, alyas Ilad, 32, ng Sta. Quiteria, Caloocan City, at Ricky, 44, ng Brgy. Ugong, Valenzuela City.
Ayon sa QCPD Talipapa station 3 nadakip ang mga suspek dakong alas 9:15 ng gabi Marso 21 Sabado sa kahabaan ng Quirino Highway malapit sa centennial apartment Brgy. Unang Sigaw, Quezon City.
Sinabi ni PSSg Neil Christian Cyrus M Fresco imbestigador na nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng SDEU sa mga suspek dahil umano sa pagkakasangkot nito sa iligal na droga.
Naglatag ng buy bust operation ang mga pulis at nakabili umano ng halagang P200 na halaga ng droga mula sa mga suspek.
Nabatid pa kay Fresco na nakumpiska ng mga otoridad ang aabot sa P20,000 halaga ng iligal na droga mula sa mga suspek na itinago sa pakete ng sigarilyo.
Kasalukuyan ngayon nakapiit ang mga suspek at nahaharap sa kasong illegal drugs na mas kilala bilang The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Santi Celario)