MANILA, Philippines- Nahuli ng mga pulis ang tatlong suspek, isang high-value individual (HVI), at nasabat ang halos P2.58 milyong halaga ng shabu sa magkakahiwalay na operasyon sa mga lugar ng Taguig at Parañaque nitong Huwebes.
Sa ulat, sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na ang suspek na si Roger Sabolo, tinukoy na HVI, ay naaresto sa isang operasyon sa Barangay New Lower Bicutan, Taguig City bandang alas-12:50 ng madaling araw.
Nakumpiska mula kay Sabolo ang 330 gramo ng shabu na may estimated street value na P2.24 milyon, buy-bust money at iba pang non-drug evidence.
Samantala, dalawa pang suspek na kinilalang sina alyas Omar at Shayra ang nadakip sa isa pang buy-bust sa kahabaan ng San Andres St., Barangay Sun Valley, Parañaque City dakong ala-1:20 ng madaling araw.
Nasamsam mula sa mga suspek ang 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P340,000, isang pirasong genuine P500 bill na ginamit na buy-bust money at iba pang non-drug evidence.
Kakasuhan ang tatlo ng paglabag sa Section 5 (sale of dangerous drugs) in relation to Section 26B (conspiracy to sell) ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/SA