MANILA, Philippines – Arestado ng mga awtoridad ang tatlong hinihinalang tulak ng illegal na droga matapos makuhanan ng nasa tatlong kilo ng shabu sa buy-bust operation sa Zamboanga City nitong Sabado, Setyembre 21.
Ayon kay Brig. Gen. Bowenn Joey Masauding, police director ng Zamboanga Peninsula region, ang raid ay magkasamang isinagawa ng Regional Drug Enforcement Unit 9 at Joint Task Force Poseidon, sa Sitio San Ramon ng Barangay Talisayan, Zamboanga City.
Kinilala ang mga suspek na sina Mario Jalilul ng Bongao, Tawi-Tawi; Alsid Sahiron at Ridsman Majini, kapwa mula sa Pata, Sulu.
Dagdag pa, nasa priority targets ng pulisya ang tatlong naaresto.
Nakuha sa tatlo ang tatlong vacuum-sealed plastic packs at tinatayang nagkakahalaga ng P20.4 milyon.
Ipapadala sa Regional Forensic Unit 9 ang mga nakumpiskang sbabu para sa analysis habang nasa kustodiya naman ng Zamboanga City Police Office ang tatlong suspek na sasampahan ng reklamo. RNT/JGC