ZAMBOANGA CITY — Tatlong hinihinalang drug pusher ang naaresto at shabu na nagkakahalaga ng P15.6 milyon ang nasamsam sa isang buy-bust operation noong Pebrero 24.
Kinilala ng Philippine Drug Enforcement Agency-9 (PDEA-9) Director Maharani R. Gadaoni-Tosoc ang mga suspek na sina Aharayam Jaidi, 66, at Nurhayna Sampang, 30, na parehong factory workers, at Maeng Omar, 42, isang driver.
Dalawa pang lalaking suspek ang nagpaputok sa mga aarestong pulis at tumakas gamit ang isang pickup truck, na kalauna’y natagpuang inabandona sa Barangay Santa Catalina.
Nakuha sa mga naarestong suspek ang 47 sachet ng shabu na may bigat na 2.3 kilo, isang red Piaggio vehicle, at boodle money.
Samantala, sa hiwalay na operasyon sa Luuk, Sulu noong Pebrero 23, nahuli si Almejer O. Jikuron ng Barangay Mananti at nakumpiska ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6.8 milyon.
Ang apat na suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Santi Celario