MANILA, Philippines – Tanging ang mga sasakyan na mas magaan sa tatlong tonelada ang papayagan na makatawid sa Liloan Bridge sa Southern Leyte, inanunsyo ng Regional Disaster Risk Reduction Management Council (RDRRMC) nitong Huwebes, Hunyo 26.
Ang load limit ng tulay, na bahagi ng nautical highway na nag-uugnay sa Leyte patungong Mindanao, at makakaapekto sa apat na bayan ng Panaon Island sa Southern Leyte, sinabi ni RDRRMC chair at Office of Civil Defense regional director Lord Byron Torrecarion.
Pinaplano na ng RDRRMC kung paano ibibyahe ang mga pangunahing produkto sa mga bayan ng Liloan, San Ricardo, Pintuyan, at San Francisco.
Ang tulay ay nagdurugtong sa Liloan at San Ricardo ports na karaniwang sinasakyan para sa regular na Southern Leyte-Surigao roll-on, roll-off (RoRo) trips.
Sa nakalipas na limang buwan, nagpapatupad na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng five-ton load limit sa Liloan Bridge kasunod ng pinsala sa magnitude 5.8 na lindol sa Southern Leyte noong Enero 23, 2025.
Ang lindol ay nagdulot ng puwang sa steel expansion joint ng tulay.
“The space gap has worsened, prompting the DPWH to further limit access to heavy vehicles. Trucks coming and going to Mindanao are advised to take to alternative ports in Southern Leyte,” ani Torrecarion.
Ang mga alternatibong RoRo ports ay nasa mga bayan ng Saint Bernard, Maasin, at San Juan, sa Southern Leyte.
Kamakailan ay inanunsyo ng DPWH ang plano para sa konstruksyon ng P5.1 bilyong tulay sa Liloan na papalit sa 48-anyos na tulay.
Ito ay popondohan ng Export-Import Bank of Korea (Eximbank) at pamahalaan ng Pilipinas. RNT/JGC