Si Sen. Tito Sotto na ang nanguna sa senatorial race ng Pulso ng Pilipino survey habang sumampa sa ika-11 ng 'Magic 12' si Sen. Francis 'TOL' Tolentino.
MANILA, Philippines- Isang three-way tie para sa mga nangungunang kandidato sa 2025 midterm Senatorial elections ang lumabas sa pinakabagong pre-poll survey ng Pulso ng Pilipino (PnP) na isinagawa ng The Issues and Advocacy Center (The CENTER).
Ang survey ay nagpapakita rin ng dominanteng pattern dahil siyam sa kandidato ng administrasyon ang pasok sa winning circle, may dalawang oposisyon at isang independiyenteng bumubuo sa Magic 12.
Isinagawa ang non-commissioned PnP survey mula Pebrero 17 hanggang 22, 2025, isang linggo pagkatapos magsimula ang opisyal na kampanya ng mga pambansang kandidato noong Peb. 10, 2025.
Makikita sa survey na nangunguna si dating Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto na may 56.5%. Tumabla kay Sotto si reelectionist Sen. Bong Go na may 55.3% at ACT-CIS party list Rep. Erwin Tulfo na may 54%.
Iuukit ni Sotto ang kanyang pangalan sa kasaysayan ng pulitika para sa record-breaking na limang terminong pagtakbo para sa Senado kung siya ay matagumpay na maihahalal sa Mayo 12, 2025.
Gaya ng dati, nananatiling nakaukit sa isipan ng mga botante ang tatak ng serbisyo-publiko ni Sen. Bong Go, lalo na ang kanyang Malasakit Program na tumutulong sa mahihirap na Pilipino sa kanilang mga pangangailangang medikal at ospital.
Ang dating nangunguna na si Erwin Tulfo ay nakasakay sa kanyang mataas na media platform na nakaangkla sa ACT-CIS party list na kanyang kinakatawan.
Nagsalo naman sa ika-4 hanggang ika-6 posisyon sina Sen. Lito Lapid na may 48.1%, dating Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson na may 46% at reelectionist Sen. Bong Revilla na may 45.7%.
Nasa 7th hanggang 8th spot sina Sen. Pia Cayetano na may 41% at TV personality Ben Tulfo na may 39.8%. Nasa 9th hanggang 10th positions si Makati Mayor Abby Binay na may 35.5% at boxing icon Manny Paquiao na may 35%.
Pumasok sa Magic 12 si Sen. Francis ‘TOL’ Tolentino sa ika-11 puwesto na may 33.4%.
Matatandaang si ‘TOL’ Tolentino ang lumikha at nag-organisa ng sikat na ngayon na ROTC Games kung saan pinagsasama-sama ang lahat ng college students na naka-enroll sa ROTC curriculum sa isang inter-ROTC Games. Hindi lamang sports competition ang isinusulong ng ROTC Games kundi pati na rin ang character building. Nasa 12th spot si Sen. Ronald ‘BATO’ Dela Rosa na may 32%. RNT