CEBU CITY- Idineklarang drug-cleared ang halos 30 barangay sa Central Visayas ang opisyal matapos ang isinagawang deliberasyon ng Regional Oversight Committee on Barangay Drug Clearing Program na pinamumunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency-Central Visayas (PDEA-7).
Ayon kay PDEA-7 information officer Leia Alcantara, 26 sa mga barangay ang nabigyan ng drug-cleared status—anim mula sa lalawigan ng Bohol, 13 sa Cebu province, lima sa Cebu City, at dalawa sa Mandaue City.
Sa kabuuan, umabot na sa 1,968 sa 3,003 barangay sa rehiyon ang idineklarang drug-cleared.
Binigyang-diin ni Alcantara na mahigpit ang proseso bago ideklara ng drug-cleared ang isang barangay.
“Hindi ito madali dahil maraming dokumentaryong requirements, kailangang magsagawa ng house-to-house visits, ipatupad ang community-based drug rehab program, at tiyakin ang aftercare ng mga sumailalim sa rehabilitasyon,” aniya.
Iginiit din niya na hindi dito nagtatapos ang kampanya. “Tungkulin ng mga barangay na bantayan ang mga bagong dumarating sa kanilang lugar at tiyakin na walang nagaganap na aktibidad ng ilegal na droga,” dagdag ni Alcantara.
Patuloy na hinihikayat ng PDEA-7 ang mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng aktibong monitoring at suporta sa adbokasiya ng drug-free barangay sa buong rehiyon. Mary Anne Sapico