Home NATIONWIDE 30% ng P590-B ayuda sa mahihirap sa 2025, kakainin ng admin costs...

30% ng P590-B ayuda sa mahihirap sa 2025, kakainin ng admin costs – solon

Ikinabahala ng isang mambabatas ang natuklasan sa briefing ng pambansang badyet na kinakain ng administrative cost ang malaking bahagi o aabot sa 20 hanggang 30 porsiyento ang kabuuang P590 bilyon na ayuda sa mahihirap sa susunod na taon.

Sa ginanap na briefing ng Development Budget Coordinating Council (DBCC), sinabi ni Senador Alan Peter Cayetano na kailangan magkaroon ng mas mahusay na pamamaraan upang mabawasan ang halaga ng administrative costs.

Paliwanag ng senador, kumakaltas ang alinmang ahensiya ng gobyerno ng ilang porsiyento sa kabuuang halaga ng ayuda bilang administrative costs sa pamamahagi kaya nababawasan ang bilang ng dapat mabigyan ng tulong-pinansiyal.

“Sa P590 billion na pondo ng ayuda ng mga ahensya ng gobyerno sa 2025 national budget, “theoretically… makapagbigay ng P20,000 sa bawat mahihirap na pamilya sa bansa,” ayon sa senador.

Pero aniya, hindi umaabot sa maximum na bilang ng mga pamilya ang kabuuang halaga dahil sa gastusin sa pangangasiwa ng ayuda o administrative costs sa pamamahagi.

“As a rule of thumb, how much ang admin costs kapag dumaan pa sa government agencies? Usually mga 20 to 30%? Even sa start nung AICS (Assistance to Individuals in Crisis Situation) nung maliit siya, sinabi na ng DSWD na parang 18 to 20% ang admin costs. Pero nung lumaki ang AICS, humingi pa sila ng additional funds,” wika niya.

Dagdag na porsyento din aniya ang kukunin kung ang tulong ay idadaan pa sa bangko.

Tugon ni Budget Secretary Amenah Pangandaman, para sa 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program), ang gastos ng administrasyon ay nasa 2 porsiyento; sa social pension para sa mahihirap ay 1.5 porsiyento; at 2 porsiyento sa AICS.

Ngunit itinuro ni Cayetano na ang mga bilang na ito ay hindi kabilang ang mga suweldo at ilang pang gastusin sa pamamahagi ng ayuda.

“Hindi pa kasama diyan ang suweldo at MOOE (Maintenance and Other Operating Expenses). Meaning if I tell the mayors, ‘Mayor, ito y’ung pera per family,’ walang admin costs ‘yon kasi the families are in the gym and binibigay na nila. Sa LGU, they will not hire additional [manpower] kasi nandoon na sila. Pero y’ung DSWD and everything kaya lumalaki ang gastusin,” wika niya.

Upang mapakinabangan ang kabuuan ng pondo ng ayuda, hinimok ng senador ang finance managers na suriin kung aling tulong ang dapat manatiling naka-target at alin ang  direktang ibibigay sa beneficiary.

“We should really look at which ayuda we should keep targeted, and which we should just directly give,” wika niya sa DBCC panel.  Ernie Reyes