Home NATIONWIDE Pagbuhay sa e-sabong, kinontra sa Senado

Pagbuhay sa e-sabong, kinontra sa Senado

Mahigpit na kinontra ni Senador Joel Villanueva ang panukalang buhayin ang online cockfighting o e-sabong na isang paraan upang punan ang nawalang kita sa pagbabawal sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

“We have just defeated an enemy with the POGO ban, and now some are considering resurrecting e-sabong, which is far worse because it directly targets our kababayans from all walks of life,” pahayag ni Villanueva.

“While we badly need revenues, the choice should not be between the devil and the deep blue sea. We want our revenues coming from legitimate, legal, and sustainable sources,” dagdag niya.

Nauna nang naghain si Villanueva ng Senate Bill No. 1281 na naglalayong ipagbawal ang lahat ng uri ng online gambling sa bansa.

“No matter how you look at it, the social costs of gambling overshadow the intended benefits,” ani Villanueva.

Ayon pa sa senador, kahit noong kasagsagan ng kanilang operasyon, napatunayan na hindi praktikal na solusyon ang POGO para sa pangangalap ng kita dahil ang nakokolektang buwis mula rito ay napakababa.

Katulad din ng nangyari bago ipahinto ang e-sabong noong Mayo 2022, kung saan pinaalalahanan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga operator na magbayad ng kanilang tax obligations matapos madiskubre sa pagdinig ng Senado na kumikita sila ng bilyong piso sa online “talpak.”

Sabi ni Villanueva, nabigo rin ang BIR at ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na kolektahin ang 20-porsiyentong buwis mula sa mga panalo ng mga online sabong operator mula nang magsimula ang e-sabong noong 2020.

Sa hiwalay na pagdinig ng Senado noong Pebrero 2024, inamin ng PAGCOR na nagpapatuloy pa rin ang e-sabong sa kabila ng pagbabawal dito. Nadiskubre din sa pagdinig na may 789 aktibong e-sabong operations sa bansa.

Nanawagan din si Villanueva sa mga law enforcement agency, kabilang ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), na magpatupad ng mahigpit na mga hakbang laban sa e-sabong, katulad ng ginawa sa mga POGO, upang mapigilan ang muling pag-usbong nito.

“Similar to POGOs, e-sabong has brought social costs—worse, it destroys Filipino families, plunges individuals into severe debt, and even forces some to commit theft and crimes to fund their gambling habits,” sabi pa ni Villanueva, kasabay ng pagbanggit sa kalagayan ng mga sabungero mula sa Bulacan na hindi pa rin matukoy hanggang ngayon.

“We cannot simply turn a blind eye to the suffering of our people who have become victims of the pitfalls of gambling. Money should not be our only consideration; the welfare of our people must come first,” sabi pa ni Villanueva. Ernie Reyes