Home HOME BANNER STORY 30 patay sa sunod-sunod na bagyo, Habagat – OCD

30 patay sa sunod-sunod na bagyo, Habagat – OCD

287
0
(Pampanga PIO)

MANILA, Philippines — Umakyat na sa 30 ang bilang ng nasawi dahil sa magkakasunod na bagyo at pinalakas na habagat, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Sabado, Hulyo 26.

Sa naturang bilang, 13 ang kumpirmadong nasawi bunsod ng mga ulan dulot ng Crising, Dante, Emong at habagat, habang ang iba ay patuloy pang bineberipika.

Pinakamaraming naitalang nasawi sa National Capital Region na may siyam, habang sinundan ito ng Western Visayas na may anim.

May pito pa ang naiulat na nawawala at 10 ang sugatan.

Aabot sa 5.9 milyong indibidwal o 1.6 milyong pamilya sa 6,401 barangay ang naapektuhan sa buong bansa, batay sa datos ng OCD.

“Kung ang pagbabasehan po natin is yung bilang ng mga naapektuhan nating kababayan, masasabi po nating nasa Region 3 (Central Luzon) po ang pinakatinamaan ng mga nagdaang bagyo dahil sila po ay nakapagtala ng more or less 2.4 million individuals o 711,000 families na naapektuhan,” ayon kay OCD Deputy Spokesperson Diego Agustin Mariano.

Sa kasalukuyan, nasa 190,000 indibidwal o 53,000 pamilya pa rin ang nasa mga evacuation center.

Tinatayang umabot na sa ₱6.8 bilyon ang kabuuang pinsala sa buong bansa, kung saan ₱5.7 bilyon ay sa imprastruktura at ₱1.1 bilyon naman sa sektor ng agrikultura.

Nakapagbigay na rin ang gobyerno ng ₱365 milyon halaga ng ayuda, kabilang ang mga ipinamahagi ng local government units, DSWD, OCD at iba pang ahensya.

Ayon kay Mariano, nagpadala rin ng augmentation support ang OCD mula sa mga rehiyon na hindi gaanong naapektuhan ng bagyo upang tumulong sa mga labis na naapektuhan.

“Sa mga naapektuhan naming regional offices, kami po ay nagpadala ng mga augmentation supports po from different regional offices na hindi po ganung natamaan o naapektuhan ng bagyo. So each regional offices po naming ay nag-send ng dalawang personnel nila to help our regional offices,” aniya.

Tiniyak din ni Mariano na magpapatuloy ang tulong ng pamahalaan sa mga pamilyang nasalanta, lalo na sa mga nasa evacuation centers sa tulong ng DSWD at LGUs.

Namimigay na ang OCD ng shelter repair kits para sa mga kabahayan na nasira ng ulan at baha.

“Katuwang po ng ating mga kababayan ang pamahalaan sa kanilang pagbangon,” dagdag niya.

Sa mga kabahayang hindi na maaaring tirhan, sinabi ni Mariano na tutulong ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa kanilang relokasyon.

“Then kung ang kanilang bahay ay hindi na pwedeng tirhan, o kailangan silang i-relocate, nandiyan po ang Human Settlement Department na magbibigay ng assistance sa kung saan sila maaring lumipat,” aniya. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here