MANILA, Philippines – Nagsagawa ng aerial inspection si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa probinsya ng Pampanga na labis na napuruhan ng matitinding pagbaha dulot ng sunod-sunod na bagyo at Habagat.
Sinamahan si Marcos nina Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. at Special Assistant to the President, Secretary Antonio Ernesto Lagdameo Jr.
Nakatakdang bisitahin ng Pangulo ang evacuation center sa Bacolor, Pampanga nitong Sabado ng umaga, Hulyo 26 ngunit nakansela sa masamang panahon.
Sa kabila nito ay inirepresenta pa rin siya ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, na sumuri sa sitwasyon ng mga indibidwal na tumutuloy sa Bacolor Integrated School in Pampanga.
Pinangunahan ni Gatchalian ang pamamahagi ng family food packs at iba pang essential item.
Sa kasalukuyan ay nasa ilalim ng state of calamity ang buong probinsya ng Pampanga dahil sa malawakang pagbaha.
Umabot na sa 160,891 pamilya o 527,648 indibidwal ang apektado ng sama ng panahon mula sa 290 barangay, ayon sa assessment ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council.
Samantala, lampas P470 milyon na ang pinsala sa pananim at livestock, habang ang infrastructure damage ay umabot sa P170 milyon. RNT/JGC