MANILA, Philippines – Humigit-kumulang 3,000 katao na ang nangangailangan ng rabies shots araw-araw sa gitna ng mababang supply ng bakuna sa ilang local government units.
Ayon sa San Lazaro Hospital, ito ay mula sa dating 1,000 pasyente kada araw na kanilang naseserbisyuhan para sa kagat ng mga alagang aso o pusa.
Una nang sinabi ng ospital na dapat may mga animal bite cebter ang mga lokal na pamahalaan at hindi na dapat umabot sa antas na ito ang bilang ng mga pasyente.
Ayon kay Dr. Jerick Luigi de Villa, Animal Bite and Rabies Coordinator ng naturang ospital na may trained doctor at nurse sa mga bite center sa LGU na dapat makakapag-cater sa mga animal bite patients.
Gayunman, sinabi ni de Villa na kahit may mga trained doctors at nurses kung walang bakuna na maibigay ay mapipilitan pa rin ang mga pasyente n magpunta sa San Lazaro Hospital.
Sinabi ni De Villa na nangangamba siya na maaaring may mga pasyente na hindi nakakakuha ng pangangalaga na kailangan nila dahil sa kakulangan ng mga lugar ng pagbabakuna.
“Kung malayo yang bina-biyahe nung pasyente simula sa bayan papunta sa local health center tapos pagpunta sa health center sasabihin na hindi available hindi maiiwasan may pasyente sa pagka-dismaya uuwi na lang sila,” sabi ni de Villa.
Aniya, ito ay delikado lalo pa’t tumataas ang kaso ng human rabies na naitala ng DOH ngayong taon.
May kabuuang 169 na kaso ng rabies ang naitala sa Pilipinas sa unang limang buwan lamang ng 2024, isang 13% na pagtaas mula sa parehong panahon noong nakaraang taon. Sa 169 na kaso na ito, 160 ang nasawi. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)