MANILA, Philippines- Halos 30 milyong balota na ang naimprenta para sa May 2025 national and local elections, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na ang poll body ay kailangang makaimprenta ng 72 milyong balota sa National Printing Office (NPO).
Gayunman, sinabi ni Garcia na ang bilang ng verified ballots sa ngayon ay nasa 5.6 milyon hanggang 6 milyon lamang.
Sinabi ni Garcia na bawat inimprentang mga balota ay hindi naman lahat perpekto tulad din sa pera na mayroon ding sumasablay gaya ng mali ang putol, mali ang kulay o kaya ay mayroong smudge.
Kaya naman ang bawat balota ay dumadaan sa two-level verification process– isa ay ginagawa manually at ang iba ay ginagawa via machine.
Paliwanag ni Garcia, mahigit 1,000 tauhan na nasa National Printing Office ang mano-manong nagbeberipika ng mga balota .
Ayon kay Garcia, kapag hindi ito nakapasa sa kanila ay hindi na ito dadaan pa sa machine level o kaya ay rejected na agad ang balota.
“Kung sakaling pumasa naman ito sa kanilang panlasa via paningin at base sa kanilang paningin ay tama naman ‘yung mga kulay, cut, at walang smudge, ito naman ay padadaanin sa makina na nandoon sa harapan nila. At doon naman ang makina ay puwedeng magsabi kung pass or fail ‘yung mismong pag-test doon sa balota,” dagdag ni Garcia.
Ito aniya ang dahilan kaya may rejected ballots na nasa 7 hanggang 8 percent lamang.
Gayunman, sa bawat rejected na balota ay muling nag-iimprenta ng bagong balota na sasailalim pa rin sa manual at machine verification.
Tiniyak ni Garcia na ang mga balota ay magiging handa lahat sa Abril 14. Target na matapos ang pag-imprenta sa Marso 19. Jocelyn Tabangcura-Domenden