MANILA, Philippines- Halos P1.8 bilyong halaga ng laptops at smart televisions ang ipamamahagi sa public schools sa buong bansa, ayon sa Department of Education (DepEd) nitong Biyernes.
Mahigit 62,000 laptops at smart TVs ang ipamamahagi simula sa ikalawang bahagi ng taon.
“This year, our computerization programs will continue with the help of President (Ferdinand) Bongbong (Marcos Jr.) and my fellow Cabinet members. Our goal is for each school to have an ‘e-cart’ or roving computer lab that all students can use,” pahayag ni DepEd Secretary Sonny Angara.
Tiniyak ng DepEd ang mabilis na pagbili ng items sa pamamagitan ng Early Procurement Activities (EPA) sa unang anim na buwan mula nang maupo sa pwesto ni Angara.
Sa 16 rehiyon, nakatanggap ang Region 4-A (Calabarzon), Western Visayas at Eastern Visayas ng pinakamataas na alokasyon ng information and communication technology resources, batay sa DepEd.
“Additionally, we are providing various software tools to support our teachers,” wika ni Angara.
Hanggang noong Feb. 4, nakapagtala ang DepEd ng EPA para sa 23,614 smart TV packages; 33,539 laptops para sa mga guro; at 5,328 laptops para sa non-teaching personnel. RNT/SA