MANILA, Philippines – Dumating na sa bansa nitong Martes ng gabi, Hunyo 24, ang 31 Overseas Filipino workers (OFWs) na umalis sa Middle East.
Ang mga ito ay sinalubong ng mga miyembro ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Migrant Workers (DMW), kasama ang iba pang ahensya ng pamahalaan sa Ninoy Aquino International Airport.
Sa ulat, ang 31 OFWs ay kinabibilangan ng 26 Filipino mula sa Israel, tatlo mula sa Jordan, isa mula sa Palestine, at isa mula sa Qatar.
Sakay ang mga ito ng Qatar Airways Flight QR 934 na lumapag sa Manila alas-8 ng gabi.
Sila ang unang batch ng repatriated Filipinos mula nang lumala ang tensyon sa pagitan ng Israel at Iran noong Hunyo 13.
Naantala pa ang kanilang flight dahil sa temporary suspension ng Qatari air traffic matapos ang pag-atake ng Iran sa US military base sa Doha.
“We experienced flight delays due to airspace restrictions, but what’s really important is that we are here at home, safe and sound,” saad sa pahayag ni DMW Secretary Hans Cacdac.
Nauna nang inanunsyo ng DMW na makatatanggap ng financial assistance na P150,000, temporary shelter, transportation sa kani-kanilang probinsya, at reintegration program ang mga repatriates.
“The DOH will provide medical services and assistance to one cancer patient-repatriate, and one pregnant OFW, including mental wellness check-up to ensure their overall well-being,” sinabi naman ni Health Secretary Teodoro Herbosa.
“We stand ready to assist those who are willing to be repatriated. We are encouraging OFWs to avail of the voluntary repatriation program,” ani Cacdac.
Posibleng may mapauwi pang 50 Filipino ngayong linggo.
Samantala, sa 30,000 Filipino sa Israel, 311 ang humiling ng repatriation. RNT/JGC