Home METRO 32 sugatan sa bumaligtad na jeep

32 sugatan sa bumaligtad na jeep

TABUK CITY, Kalinga- Sugatan ang 32 katao kabilang ang 26 na estudyante na kasali sana sa Bodong Drum and Lyre Competition matapos bumaligtad ang sinasakyan nilang jeep, noong Martes sa bayan ng Balbalan.

Kinilala ang walo sa mga nasugatan na sina Jaamerhyn Wadwadan, 31; Dawaton Gevin, 16; Bryle Kent T. Balao-as, 16; Omar L. Tangdol, 16; Jayboy S. Gunday, 18; Shea Faye D. Mangayan, 14; Gelai L. Gragasin, at Shanelle M. Magayam.

Ayon kay Police Col. James D. Mangili, hepe ng Kalinga police, naganap ang insidente Pebrero 11, 2025 sa kalsadang sakop ng Barangay Balantoy, Balbalan, Kalinga.

Sa imbestigasyon ng pulisya, kasali sana ang biktimang high school at senior high school ng Saint Theresita’s School ng Balbalan para sa kompetisyon ng Bodong Drum and Lyre Competition ng 30th founding anniversary ng Kalinga at 6th Bodong Festival na may temang “Rooted in Culture, United in Progress: Lumin-awa Kalinga!”

Kwento ng driver na si Gerald S. Baydan, 51, binabaybay nila ang pakurbadang bahagi ng naturang lugar nang mawalan siya ng control sa manibela at para hindi sila mahulog sa bahagi ng bangin ay kinabig niya ang manibela para mapunta sa kabilang kalsada hanggang sa bumaligtad ang jeep.

Agad namang dinala sa ospital ang mga biktima at nilapatan ng lunas ang mga natamo nilang sugat sa ulo at gasgas sa katawan.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente. Mary Anne Sapico