Home HOME BANNER STORY 2 Pinay nasagip ng NBI mula sa pagiging drug courier

2 Pinay nasagip ng NBI mula sa pagiging drug courier

Larawan kuha ni Cesar Morales

MANILA, Philippines- Dalawang Pilipina ang nailigtas ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) mula sa pagiging drug courier sa Malaysia.

Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, nagawa nilang maiwasan ang isang kaso na katulad ng kay Mary Jane Veloso dahil ang dalawang nasagip na mga Pinay ay na-recruit ng isang African drug syndicate na nagsasamantala sa mga Pilipinong nasa financial distress.

Nang iprisinta ni Santiago sa media, sinabi niya na pinapupunta ang mga biktima sa Malaysia kung saan ‘all expenses paid’ na $5,000 kung matutuloy ang trabaho pero pagadting sa naturang bansa ay ibibigay sa kanila ang droga at dadalhin sa Hong Kong.

“Sinabi ko sa kanila, mas mabuti mailigtas natin ‘yung mga naging biktima na naging Pilipino kesa mag karoon na naman tayo ng another Veloso case, no?” sabi pa ni Santiago.

Ayon kay Santiago, nadiskubre nila ang African drug syndicate sa follow-up operation kasunod ng pagkakaaresto ng isa pang drug courier noong Enero.

Nang malaman ni Santiago na ang dalawang Filipina ay na-hire para maging drug-couriers, nagpadala ito ng dalawang ahente upang harangin sila at nakipag-ugnayan sila sa Malaysian police.

Sinabi ni Santiago na nahuli ang babeng drug mule sa Malaysia bago pa man maipasa ang drogang cocaine sa mga Pilipina na binibiktima nila.

Samantala, sinabi ni NBI agent Atty. Henry Kanapi na ang dalawang biktima ay sinabihang bibigyan ng suitcase na kanilang gagamitin.

Sinabi naman ng dalawang Pinay kay Kanapi na hindi nila alam na droga ang nilalaman ng ibinigay sa kanilang suitcase.

Ang dalawa ay wala umanong legal na pananagutan sa insidente dahil sila ay kinokonsiderang biktima. Kinumpirma rin ni Santiago na sila ay agad na pinalaya.

Bukod dito, sinabi rin ni Santiago na hinahabol nila ang mga indibdwal na nag-recruit sa dalawang biktima kung saan nakikipagtulungan na sila sa ahensya upang mahuli ang mga sangkot. Jocelyn Tabangcura-Domenden