Home NATIONWIDE Comelec nagbabala sa mga kandidato vs ‘pre-shaded’ ballot scam

Comelec nagbabala sa mga kandidato vs ‘pre-shaded’ ballot scam

MANILA, Philippines- Binalaan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kandidato laban sa isang scam na iniaalok bago ang May 2025 elections na kinasasangkutan ng umano’y pre-shaded na mga balota na may tinatawag na invisible o secret markings.

Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia, target ng scam na ito ang mga kandidato sa halalan sa pamamagitan ng pangako sa kanila ng “secured win” sa halalan kapalit ng malaking halaga ng pera.

Sa pagsisimula ng beripikasyon ng balota noong Huwebes, Peb. 13 sa Amoranto Stadium sa Quezon City, pinabulaanan ito ni Garcia, at sinabing imposible ang paglalagay ng invisible o secret markings sa balota at isa lamang panloloko na ginagamit ng mga sindikato para kumita ng pera.

Sinabi rin ni Garcia sa isang hiwalay na pahayag na ito ay “bogus efforts” para siraan ang electoral process.

Matapos maimprenta ang mga balota, ipinaliwanag ni Garcia na sumasailalim ang mga ito sa proseso ng mano-manong pagberipika upang suriin ang katumpakan ng kanilang laki, kulay, hiwa, at mga lihim na katangian.

Pagkatapos nito, ibeberipika ito ng makina para malaman kung kinikilala at mabibilang ito.

Ayon kay Garcia, aabutin ng humigit-kumulang 7.5 hanggang 80 segundo para maberipika nang mano-mano at sa pamamagitan ng makina ang isang balota. Ngunit ito ay depende sa kadalubhasaan ng verifier.

Pinangunahan ng poll chief ang inspeksyon ng ballot verification sa Amoranto Stadium sa Quezon City nitong Huwebes.

Pinasalamatan ni Garcia ang Pamahalaang Lungsod ng Quezon sa pagpayag na gamitin nila ang venue nang walang bayad.

Sa isang press conference, sinabi ni Garcia na sa National Printing Office (NPO), mayroon silang humigit-kumulang 260 machines at humigit-kumulang 600 verifiers. Kalahati sa kanila ay nagtatrabaho sa araw habang ang iba ay nagtatrabaho sa gabi ng dalawang shifts. Jocelyn Tabangcura-Domenden