MANILA, Philippines- Naaresto ng mga miyembro ng Drug Enforcement Unit ng Cabuyao City Police Station ang isang High Value Individual matapos itong makumpiskahan ng mga pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P320,000, nitong Linggo ng madaling araw sa Barangay Uno sa lungsod ng Cabuyao, Laguna.
Ang suspek na pansamantalang nakapiit sa Cabuyao City Police Station at nahaharap sa kasong Section 5,26 at 11 Article II of RA 9165 at RA 10591 na kinilala sa alyas Mike, 23, residente ng Barangay Mamatid ng nabanggit na lungsod .
Base sa report na isinumite ni PLt.Col Rexpher Gaoiran kay PBGen. Paul Kenneth T. Lucas, Regional Director ng PRO4 Calabarzon,dakong alas-12:43 ng madaling araw nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Cabuyao City Drug Enforcement Unit matapos na makipagtransaksyon ang suspek sa nagpanggap na poseur buyer ang isang pulis na humantong sa agarang pagkaaresto sa suspek.
Nakumpiska sa suspek ang anim na taped wrapped packages, tatlong vacuum sealed plastic bags at dalawang large taped wrapped packages na naglalaman ng mga pinatuyong dahon ng marijuana na humigit-kumulang sa 2,000 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P320,400 kung saan narekober din ang ginamit na drug buy-bust money.
“I want to congratulate our hardworking drug enforcement team from Cabuyao CCPS for this remarkable accomplishment against illegal drugs. Rest assured that we remains steadfast in its tireless efforts to combat illegal drugs and ensure the safety and security of our communities, particularly the youth who are the most vulnerable to the harmful effects of illegal drugs,” pahayag ni PBGen. Lucas.
Samantala ang suspek at nakumpiskang ebidensya ay dinala sa tanggapan ng Regional Crime Laboratory Office 4A para sa isasagawang drug testing at laboratory examination. Ellen Apostol