MANILA, Philippines – Dumating sa Villamor Air Base sa Pasay City ang panibagong batch ng mga overseas Filipino workers (OFWs) at stranded na Pilipino noong Biyernes ng gabi bilang bahagi ng repatriation efforts ng gobyerno sa gitna ng krisis sa Middle East.
Sakay ng chartered flight na lumapag bandang 6:59 p.m., may kabuuang 349 na Pilipino—kabilang ang 222 OFWs, 78 dependents, at 49 stranded nationals.
Ayon kay Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, ito na ang ikalimang chartered flight mula nang magsimula ang krisis noong Pebrero 28, alinsunod sa utos ng Pangulo na tiyakin ang kaligtasan ng mga Pilipino sa abroad.
Sa pagdating, agad na tinulungan ang mga repatriate ng iba’t ibang ahensya tulad ng Department of Health, Bureau of Quarantine, DSWD, Office of the President, Philippine Air Force, at Bureau of Immigration, kung saan pinadali ang proseso ng immigration.
Ayon kay Cacdac, may karagdagang financial assistance na ibibigay sa kanila bukod pa sa natanggap nila sa abroad. Mayroon ding libreng hotel, pagkain, transportasyon, at domestic flights na sagot ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Binibigyan din sila ng psychosocial support at inayos ang kanilang biyahe pauwi sa kani-kanilang probinsya sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Inaasahang darating ang susunod na batch ng mga repatriate sa Linggo. RNT/MND