MANILA, Philippines – Nasagip ng mga awtoridad ang nasa 37 mangingisda na naistranded sa Balabac, Palawan habang patungo ang mga ito sa West Philippine Sea.
Ang mga mangingisda ay sakay ng F/V Andrei Sarah na umalis ng San Jose, Occidental Mindoro noong Enero 18.
Nakaranas ang mga ito ng maalong dagat na sinabayan pa ng pagpalya ng makina nito.
Dahil dito ay kinailangang magtungo ng bangka sa mas kalmadong bahagi ng dagat sa pagitan ng Balabac at Tawi-Tawi at nakarating ng Liminangcong, Taytay, Palawan para ipaayos.
Sa kabila nito, tinamaan naman ng bangka ang isang bahura at nahati ito, malapit sa Onok Island sa Balabac, saka lumubog.
Agad na iniulat ang insidente sa Coast Guard detachment sa Onok Island at Coast Guard Station sa Balabac.
Dumating ang barko ng Coast Guard at sinagip ang nasa 37 crew.
Dinala naman ang mga mangingisda at mga kagamitan nito sa Coast Guard Station sa Balabac. RNT/JGC