Home NATIONWIDE 3K trabaho alok sa job fair ng PH-Hungary Friendship Week

3K trabaho alok sa job fair ng PH-Hungary Friendship Week

MANILA, Philippines- Bukas sa mga naghahanap ng trabaho abroad ang humigit-kumulang 3,000 trabaho na eksklusibo para sa deployment sa Hungary sa Philippines-Hungary Friendship Week Job Fair sa Marso 11.

Ang job fair ay gaganapin sa Level 3 (EDSA Wing) ng Robinson’s Galleria sa Mandaluyong City mula alas-10 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.

Inaasahang lalahok sa event ang accredited recruitment agencies na mag-aalok ng halos 3,000 bakanteng trabaho para sa Hungary lamang.

Ang job fair ay bahagi ng pinahusay na international cooperation sa pagitan ng dalawang bansa.

Sinabi ni Undersecretary for Policy and International Cooperation, Atty. Patricia Yvonne Caunan na magkakaroon ng pre-registration para magkaroon ng maayos na pila sa kaganapan.

Magpapaskil ang DMW ng anunsyo na may QR code sa mga social media account nito na maaring i-scan at irehistro ng mga aplikante.

Kabilang sa alok na trabaho ang machine operators, welders, pipe fitters, hotel and restaurant workers at factory workers. Ang sahod ay pumapatak mula 700 Euros hanggang 1,000 Euros.

Sa Marso 10, isang serye ng mga aktibidad alinsunod sa Philippines-Hungary Friendship Week ang gaganapin sa DMW Central Office sa Ortigas Avenue, Mandaluyong City.

Kabilang dito ang pagbubukas ng Philippines-Hungary Exhibit and Bazaar, cultural performances mula sa dalawang bansa, “Kamustahan” kasama ang mga OFW sa Hungary at isang panonood ng pelikula.

Ang Friendship Week ay isang flagship initiative ng DMW na idinisenyo upang pahusayin ang internasyonal na kooperasyon, etikal na recruitment, at mga oportunidad sa trabaho para sa mga OFW. Jocelyn Tabangcura-Domenden